Ni Kate Calzado
Buong pusong nakibahagi sa taunang paggunita at pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ang mga mag-aaral at mga guro noong Agosto 29, 2025, Byernes ng umaga sa bulwagan ng BTVHS na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika : Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”.
Ang Buwan ng Wika ay ipinagdiriwang tuwing Agosto ng taon para mas pahalagahan at mas mahalin natin ang sarili nating wika.
Ipinamalas ng mga BTVHSians ang kanilang husay at galing sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad at programa upang ipakita ang ating paglinang at pagkakaisa para sa mahal nating bayan.
Ang mga pagtatanghal ay ang mga sumusunod: OPM mula sa Baitang 7; Interpretatibong Pagbasa mula sa Baitang 8; Katutubong Sayaw mula sa Baitang 9; Sabayang Pagbigkas mula sa Baitang 10; Kuradang at Balitaw mula sa Baitang 11; at Kontemporaryong Sayaw at Talumpati mula sa Baitang 12.
Isinagawa rin ang Bayani Look-Alike at Lakambini at Lakan 2025 na kung saan sina Jason De Juan ng 10-Marigold bilang si Marcelo H. Del Pilar at Angel Ann Macabebe ng 8-Vanda bilang si Marina Dizon ang nanalo sa Bayani Look-Alike.
Sina Louie Arabiana at Juliana Dione Pamintel ang itinanghal naman na panalo sa Lakambini at Lakan 2025 na nakatanggap rin ng mga parangal tulad ng Best in Production Number, Best in Filipiniana, at Best in Q & A.
Matagumpay na natapos ang programa na pinamunuan nina Gng. Gellie Ann C. Delito at G. Jeovanny Prete bilang mga tagapagdaloy ng programa.
Ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika upang ipaalala sa lahat ng Pilipino na ang wikang Filipino ay hindi lamang isang kagamitan para sa pakikipagtalastasan, kundi isang mahalagang simbolo ng ating kultura at pambansang pagkakakilanlan.
