Ni Yaneza Anne Cabuag
Sa mundo ngayon, tila lahat ay eksperto sa lahat ng bagay. Mula sa kalusugan hanggang sa estado ng pamumuhay, kahit sa mga bagay na hindi naman lubos na nauunawaan. Isang post lang sa social media, tila lahat ay makatotohanan na. Sa halip na makatulong sa pagpapalaganap ng katotohanan at kaalaman, nagiging daan din ito sa paniniiliniang at kalituhan. Dapat nating labanan ang pagkalat ng maling balita upang mapangalagaan ang katotohanan at kalagayan ng kabataan.
Nakakasira ito ng tiwala ng mga tao. Kapag paulit-ulit tayong nakakabasa ng mga pekeng balita, ito ay nakakasira sa ating paniniwala lalo na kung tungkol sa gobyerno, kalusugan at edukasyon. Kung hindi maiiwasan, mas mahirap na makuhang muli ang tiwala ng sambayanan.
Ito ang nagiging daan para sa mga taong may masamang layunin. May mga taong gumagamit ng social media para magpalaganap ng kasinungalingan lalo na kung may tensyong namamagitan sa dalawang grupo o partido. Ito ang kanilang paraan para makaganti at makalamang sa kabilang panig.
Sa panahong puno ng kaguluhan, isa ito sa nagiging rason ng kalituhan. Tulad ng mga balitang kumakalat ngayon, isa na rito ang korapsyon. May mga impormasyong kumakalat ng walang katiyakan, may mga pangalang nadadawit na walang kinalaman sa naturang isyu, at may mga halagang inilantad na wala na mang sapat na ebidensya.
Ngunit, may ilan na mang nagsasabing lahat tayo ay may karapatang magpahayag ng ating saloobin o paniniwala. Ngunit sa mga salitang ating binibitawan, dapat ito ay may kaakibat rin na katotohanan. Dahil kung mas malawak ang ating kaalaman, mas mabigat ang ating pananagutan.
Sa huli, mas mabuting maging mapanuri at responsable sa pag-gamit ng social media. Sa panahon ngayon, hindi maiiwasang makabasa ng maling impormasyon, ngunit hindi sa lahat ng oras ito’y dapat pagkatiwalaan. Ang pagsasayang ng oras sa paghahanap ng katotohanan ay mas mabuti kaysa sa mabuhay sa kasinungalingan.
