Ni Kimberly Chayne Miculob
Isang araw ng inobasyon, talino, at malikhaing ideya ang naganap sa Biking Technical Vocational High School noong September 30, 2025 sa pagdaraos ng Math at Science Culmination sa temang “Exploring Future for a Better Tomorrow”.
Ipinakita ng buong campus kung paano maaaring gamitin ang agham at matematika sa pagharap sa pang-araw-araw na hamon, hindi lamang sa paaralan kundi pati na rin sa buong mundo.
Sa kasalukuyan, hinaharap ng mundo ang mga hamon tulad ng pagbabago ng klima, mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, at pagbabago sa trabaho dulot ng automation at modernisasyon. Ayon sa United Nations, mahalaga ang edukasyon sa agham at matematika upang makasabay ang mga komunidad sa pandaigdigang pag-unlad.
Ang selebrasyon ng BTVHS ay nagsilbing bahagi ng kanilang kabuuan sa mas maunlad at kompetibong mundo. Isa sa mga tampok ng programa ay Eco Fashion Show, kung saan gumamit ang mga estudyante ng recyclable materials gaya ng papel, plastik, at lumang tela sa paggawa ng kanilang mga kasuotan.
Sa nasabing kompetisyon, kinilala ang tatlong nagwagi: sina Audrey Jane Migueles ng Grade 10 Marigold bilang unang puwesto, Ma. Chrystian Libranza ng Grade 9 Euphorbia sa ikalawang puwesto, at Collin Nisle Falcatan ng Grade 11 GAS bilang ikatlong gantimpala.
Kasabay nito, nagpakita-ng mga estudyante sa Quiz Bee, isang kompetisyon na sumubok sa kanilang kaalaman sa Algebra, Biology, Chemistry, at Physics. Ang kompetisyon ay nagpalakas ng kanilang lohikal at kritikal na pag-iisip, pati na rin ang kanilang kakayahang mag-analisa at mag-aplay ng matalinong kaalaman sa praktikal na sitwasyon.
Hindi rin nagpahuli ang Math Sci-Way, isang kompetisyon sa sayaw na nagpakita ng malikhaing matematika. Ang mga mananayaw ay nagpakita ng mathematical na mga galaw na sinamahan ng musika. Ang mga nagwagi sa kompetisyon ay ang Class 1 bilang unang puwesto, Class 4 bilang ikalawang puwesto, Class 3 bilang ikatlong puwesto, at Class 2 bilang ikaapat na puwesto.
Sa kabuuan, ipinakita ng Math at Science Culmination na ang paghahanda sa mas maunlad na bukas ay nagsisimula sa pagpapahalaga sa agham, matematika, at malikhaing pag-iisip.
