Ni Yaneza Anne Cabuag
Hindi biro ang pagiging estudyante. Araw-araw ay may bagong aralin, pagsusulit, at gawain na kailangang tapusin sa limitadong oras. Sa gitna ng lahat ng ito, may mga mag-aaral na hirap makasabay lalo na sa Reading, Math at Science. Dito pumapasok ang ARAL Program (Academic Recovery and Accessible Learning) ng DepEd na nakabatay sa Republic Act No. 12028—isang programang naglalayong tulungan, hindi husgahan, ang mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag na gabay.
Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mas maintindihan ang mga araling hindi agad naunawaan sa regular na klase. Hindi lahat ay pare-pareho ang bilis ng pagkatuto, at hindi rin laging sapat ang oras sa loob ng silid-aralan. Sa ARAL, may espasyo para magtanong, magkamali, at matutong muli nang hindi nahihiya o natatakot.
Malaking tulong din ang ARAL Program sa emosyon ng mga estudyante. Kapag palaging mababa ang marka, madaling panghinaan ng loob. Sa pamamagitan ng programang ito, nararamdaman ng mga mag-aaral na may naniniwala pa rin sa kanila. Ang simpleng pag-unawa sa isang leksiyon ay nagiging malaking hakbang para maibalik ang tiwala sa sarili.
Bukod sa akademikong aspeto, natuturuan din ang mga mag-aaral ng tamang disiplina sa pag-aaral. Natututo silang maglaan ng oras, pahalagahan ang tulong na ibinibigay, at seryosohin ang kanilang responsibilidad bilang estudyante. Hindi man ito agad makita, unti-unti itong nagiging pundasyon ng mas maayos na pagharap sa mga hamon sa paaralan.
May mga nagsasabi na ang ARAL Program ay dagdag lang sa pagod ng mga mag-aaral at guro. Totoong may dagdag na oras at effort na kailangan, ngunit hindi ito nasasayang. Ang oras na inilaan para sa ARAL ay oras na ginamit para maiwasan ang tuluyang pagkalaglag sa pag-aaral at mas malaking problema sa hinaharap.
Ang ARAL Program ay hindi perpekto, pero malinaw ang layunin nitong tulungan ang mga estudyante na bumangon at magpatuloy. Sapat nang sabihing minsan ang kaunting tulong at pag-unawa ang kailangan ng isang mag-aaral upang muling maniwala sa sarili at sa halaga ng edukasyon.
