Sa panahon kung saan mabilis magbago ang mundo ng trabaho at kaalaman, hindi na sapat ang lumang sistema ng edukasyon. Kailangang umangkop ang paaralan sa tunay na pangangailangan ng mga mag-aaral, hindi lamang para makapagtapos kundi para maging handa sa totoong buhay.
Dito pumapasok ang Strengthened Senior High School Curriculum—isang hakbang na hindi lang pagbabago sa papel, kundi paghuhubog sa mas matibay na kinabukasan ng kabataan.
Ang Strengthened Senior High Curriculum ay naglalayong mapabuti ang kakayahang makakuha ng trabaho at kahandaan sa karera ng mga nagtapos sa pamamagitan ng pagpapasimple ng kurikulum, pagbabawas ng mga core subjects mula labinma (15) tungo sa lima (5), at pagpaparami ng oras sa work immersion. Pinapahusay din nito ang mga track sa dalawa (Akademiko at Teknikal-Propesyonal) upang higit na maiangkop sa pangangailangan ng industriya at matiiyak ang paglalaking mga mahalagang batayang kasanayan.
Isa sa pinakamahalagang layunin ng pinalakas na kurikulum ay ang mas malinaw na paghahanda sa mga mag-aaral para sa kolehiyo, trabaho, o pagnenegosyo. Sa pamamagitan ng mas angkop at napapanahong asignatura, mas nahahasa ang kakayahan sa kritikal na pag-iisip, komunikasyon, at problem-solving. Hindi na basta teorya ang natututunan, kundi mga kasanayang talagang magagamit sa labas ng silid-aralan.
Higit pa rito, binibigyang-halaga ng Strengthened Senior High School Curriculum ang pagkakaiba-iba ng interes at kakayahan ng mga mag-aaral. Sa mas pinahusay na tracks at strands, nabibigyan sila ng pagkakataong tuklasin kung saan sila tunay na angkop. Hindi lahat ay pare-pareho ang pangarap, kaya nararapat lamang na may kurikulum na marunong umunawa at umangkop sa pangangailangan ng bawat isa.
Mahalaga ring banggitin na ang pinalakas na kurikulum ay tumutugon sa pangangailangan ng bansa. Sa pagtugon sa teknikal, bokasyonal, at akademikong kasanayan, mas napapalapit ang edukasyon sa realidad ng industriya at komunidad. Sa ganitong paraan, magiging tunay ang paaralan sa kapakinabangan ng edukasyon at aktwal na kontribusyon sa lipunan.
May ilan mang nagsasabing mas pabigat ito sa mga mag-aaral at guro, hindi maikakaila na ang tunay na hamon ay kung paano mananatili sa sistemang hindi na epektibo. Ang pagbabago ay laging may kaakibat na pagsubok, ngunit mas mapanganib ang manatili sa lumang paraan na hindi na tumutugon sa kasalukuyang panahon. Sa tamang suporta at pagpapatupad, ang pinalakas na kurikulum ay naging oportunidad, hindi pasanin.
Sa huli, ang Strengthened Senior High School Curriculum ay hindi lamang tungkol sa dagdag na aralin o bagong patakaran. Ito ay tungkol sa paniniwala na kayang ibigay ng edukasyon ang mas mahusay na kinabukasan para sa kabataan.
